Mahal, kung nandyan ka pa, tara dito sa tabi ko.


Mahal, nandyan ka pa ba?
Tara, dito ka, sa tabi ko, kwentuhan mo ako ng mga bagay, maging delubyo, hinanakit, at kahit magluha pa ng dulot ng sakit. Kwentuhan mo ako, at iintindihin ko.
Iintindihin ko katulad ng pag intindi na ginawa mo sa akin noon,

Iintindihin ko katulad ng pag intindi mo sa akin na umaabot ng alasdos imedya ng madaling araw, kakwentuhan ako,
Iintindihin ko ang bawat detalye na ilalahad ng isipan mo, gaya ng ginagawa ko sayo hanggang ngayon.
Hindi ba’t parang napakalayo ng noon, sa sa ngayon.

Pansin mo ba? Ramdam mo ba?
Dahil alam mo ba noon, nasanay ako,
na sa kada umagang gigising ako,
ikaw agad ang pumapasok sa isip ko,
minamahal ako, mas higit sa inaakala ko,
mas higit sa pinapadama ko, at mas higit sa dati mo. Anong saya ang nararamdaman ko na sa kada umagang didilat ako, maiisip kong may isang lalake, naghihintay na dumating ang umaga, para mahalin ako ng walang kakupaskupas, sa napakaraming bukas.

Pero noon iyon, dahil ngayon, alam mo ba, nasanay ako, na sa kada umagang gigising ako, gumigising akong ikaw ang pumapasok sa isipan, subalit hindi malagyan ng ngiti ang mukha, hindi malagyan ng bahid ng pagmamahal, dahil puro takot, at sakit, ang sumasakal sa pagdilat ko. Puro takot at sakit, sumasakal sa isipan ko. Bakit? Gusto ko ng sagot, bakit ba ako nagkakaganito?
Nais ko lang namang hingan ng mga kasagutan, kasagutan mula sa iyo, mula sa isip mo, puro at totoo. Mahal, sagutin mo ako, ikaw ba'y nagbago na? Nakalimot ka na ba sa dati nating gawi? Ikaw ba'y nagsawa na sa dati nating ginagawa? Na ang oras ay para lamang sa isa’t isa, at hindi sa iba.
Na ang isipan ay para lang sa pagmamahal, at hindi laan para sa mga sagabal.
Bigyan mo ako ng kasagutan, mahal.. sa gawa, at kahit hindi na sa salita..
Bigyan mo ako ng palatandaan, na hindi mo pinagsisisihang mahalin ako.. sa gawa, at kahit hindi na sa salita..

Bigyan mo ako ng senyas na hindi mo ako bibitawan.. sa gawa, at kahit hindi na sa salita..
Bigyan mo ako ng pagmamahal, mahal, gusto ko ng pagmamahal, mula sa iyo, buong buo, at walang tinatago.. sa gawa, at kahit hindi na sa salita..

Ngayon, habang dumadaloy ang mga luhang sabik na magpapunas sa mga kamay mo, habang dumadaloy ang mga luhang nagnananais na mapatahan ng pag-ibig mo.. Tatanungin ulit kita, sa huling pagkakataon na mabasa o marinig mong muli, tatanungin ulit kita..

Mahal, nandyan ka pa ba? Dahil kung nandyan ka, kwentuhan mo ako ng mga bagay, sa kung paano naging ginhawa ang delubyo, kung paano naging bulaklak ang mga itinanim nating buto ng hinanakit, at kung papaano naging pag-ibig ang mga luhang dulot ng sakit.

Mahal, kung nandyan ka pa, tara dito, sa tabi ko,

kwentuhan mo ako.

—istorya

HugotSnap.

Giving you the best hugot stories on Snapchat!
• contact for business: hugotsnap.promotions@gmail.com

No comments:

Post a Comment