Sa dinami-rami ng tao sa mundo,
Bakit ikaw pa at ako?
Bakit ba tayo ang napili ng tadhanang kalaro?
Bakit hindi siya, bakit hindi sila?
Bakit hindi na lang iba?
Noong araw na binanggit mo ang mga katagang "Mahal paalam"
Noong araw na ang kamay ko'y tuluyan mo nang binitawan
Noong araw na pati ang ulan, ako'y dinamayan
Iyon ang araw na nadurog ako
Nadurog ang mga pirasong bumubuo ng puso ko
Tinangay na ng hangin ang mga pangakong binitawan mo
Bumuhos ang luhang tinatago-tago ko
Tanging lumalabas lamang sa bibig ko ay ang mga salitang "Bakit", "Paano" at "Saan"
Bakit tayo humantong sa ganito?
Bakit tila bulang naglaho ang pagtingin mo?
Bakit lumuwag ang kapit mo?
Bakit biglang lumamig ang yakap mo?
Bakit hindi ko na maramdaman ang tamis sa labi mo?
Mahal, saan ako nagkulang?
Mahal paano mo ako nagawang saktan?
Sa paglipas ng panahon,
Sa paghampas ng malalaking alon,
Ang puso ko'y nananatili pa ring nakakahon
Nakakahon sa alaala ng nakaraan
Nakakahon sa mga katanungang hindi mahanap ang kasagutan
Mahal sinubukan ko
Sinubukan kong pulutin ang mga nabasag na piraso
Umaasang muli tayong mabuo
Ngunit nagdulot lang ito ng sugat
Mahal sinubukan kong muling abutin ka
Ngunit sa isang iglap tila ika'y naging bituin
Na kahit anong pilit kong abutin
Hindi ko na kaya, mananatili ka na lang sa aking paningin
Ngunit tila naibuhos ko na ang lahat ng lakas ko
Napagod na rin ang puso ko
Kaya muli ay sumubok ako
Mahal, sinubukan kong kalimutan ka
Ngunit palagi lang akong dinadala ng tadhana sa ating mga alaala
Pero mahal, ayoko na
Sinubukan ko pero nabibigo akong umusad
Sinubukan ko, oo
Pero muli ay susubukan ko
Hanggang sa kaya ko ng lumingon sa nakaraan ng walang bigat na dinadala
Hanggang sa kaya ko ng makita ka ng hindi ako lumuluha
Hanggang sa muling mabuo ang sarili ko
Hanggang sa kaya ko ng sabihin ng buong puso ang salitang
"Naka-move-on na ako"
—Mics Cabacungan
No comments:
Post a Comment